Abante Tonite Interactive

Drug pusher bulagta sa barilan

313

Napatay ng pinagsanib na mga operatiba ng pulis at military ang isang suspek na sangkot diumano sa iba’t ibang krimen matapos na makipagbarilan ito sa mga awtoridad nang makorner sa entrapment operation sa Buluan, Maguindanao noong Sabado ng madaling-araw.

Sa ulat, kinilala ni Brig. Gen. Manuel Abu, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ang nasawing suspek na si Dong Banto Kasim, 54, residente ng Brgy. Upper Silling, Buluan.

Ayon kay Abu, batay sa kanilang mga intelligence source, nagpapanggap na magsasaka ang suspek subalit sangkot ito sa gun-for-hire, robbery, holdup, at pagnanakaw ng mga baka.

Bandang alas-5:30 nang madaling-araw nang ikasa ng mga element ng Provincial Drug Enforcement Unit at 40th Infantry Battalion ang entrapment operation laban kay Kasim sa pamamagitan ng isang nagpanggap na bibili ng droga sa lugar ng suspek.

Subalit nakatunog umano ang suspek at tumakbo papasok sa kanyang bahay bago pinutukan ang mga awtoridad dahilan para magkaroon ng shootout.

Matapos ang putukan ay tinanghal na bangkay ang suspek na bumulagta sa lupa.

Narekober sa kanyang bahay ang isang M-14 rifle, isang M-16 rifle, isang plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng limang gramo at nasa P20,000 ang halaga, nabawi rin ang P1,000 marked money, at isang motorsiklo na walang plaka.

Ibinigay sa kustodiya ng Provincial Drug Enforcement Unit ang mga nasamsam na ebidensya para sa dokumentasyon. (PNA)

Tonite – Wendys Inhouse Ad