Abante Tonite Interactive

Drug pusher kinatay ng adik

354

Binurdahan ng saksak ang isang hinihinalang drug pusher ng isang adik na kanyang nakaalitan sa Paco, Maynila kamakalawa nang hapon.

Hindi na umabot ng buhay sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Rogelio Bisagre y Reyes Jr. na nagtamo ng malalalim na saksak sa kanyang dibdib.

Nakatakas ang suspek na kilala lang sa alyas na Jeng-jeng, nasa 30-35.
Ayon sa imbestigasyon ni P/MSgt. Dennis Suba ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang pananaksak sa biktima dakong alas-singko nang hapon sa tabi ng Estero De Paco malapit sa Paco Market.

Nakita pa umano ng isang bata ang dalawa na nagtatalo hanggang sa nagsuntukan. Kasunod nito ay umalis ang suspek pero maya-maya lang ay bumalik at muling nagtalo ang dalawa.

Sa gitna ng pagtatalo, inundayan ng saksak ng patalim ng suspek ang biktima na tinamaan sa dibdib.

Rumesponde sa insidente ang mga tauhan ng barangay at isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na ito umabot ng buhay.

Nalaman sa pulisya na ang biktima ay nasa drug watchlist ng Brgy. 673 bilang tulak sa lugar habang kilala naman umano ang suspek na gumagamit ng droga. (Juliet de Loza-Cudia)