Abante Tonite Interactive

Drug pusher na matandang dalaga kalaboso

209

Timbog sa buy-bust operation ang isang 63-anyos na matandang dalaga sa Imus City, Cavite kamakalawa nang hapon.

Nakakulong ngayon sa Imus Police Station ang suspek na si Adela Elumen, dalaga, isang kasambahay sa Brgy. Alapan 2-B sa nasabing lungsod, matapos maaresto sa buy-bust operation dakong alas-5:40 nang hapon.

Sa ulat ni P/Cpl. Mark Joseph Jader, ikinasa ang buy-bust operation ng magkasanib na puwersa ng Imus Police Station at Philippine Drug Enforcement Agency sa Cavite kung saan target ang suspek.

Bitbit umano ng suspek ang isang sachet ng shabu nang makipagtransaksyon sa isang pulis na nagpanggap na buyer ng droga sa halagang P200.

Walang kamalay-malay ang suspek na pulis ang pinagbentahan niya ng shabu na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Nang kapkapan ay nakuha pa sa kanyang pag-iingat ang tinatayang 0.4 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa sachet at may street value na P1,800.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Gene Adsuara)