Abante Tonite Interactive

Drug pusher nakipagbarilan, dedbol sa pulis

By
1,468

Dedbol ang isang lalaki na sinasabing tulak ng droga makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Novaliches, Quezon City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang suspek na si Luisito Gonzales alyas ‘Louie’, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Sta. Monica, Novaliches.

Ayon kay Supt. Rossel Cejas, hepe ng Quezon City Police District-Station 5, dakong alas-10:30 ng gabi ay nagsagawa sila ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) at buy-bust operation.

Sa report, nagpa­putok umano ang suspek nang makitang palapit ang mga pulis sa kanya na nauwi sa engkuwentro at napatay si Gonzales.

Nasamsam sa suspek ang isang kalibre .38 baril, dalawang plastic sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Ayon kay Cejas, ikinasa nila ang operasyon dahil sinasabing pugad ng mga holdaper at marami umano ang gumagamit ng droga sa nasabing lugar.

Iginiit ng opisyal na hindi sila titigil sa pagsasagawa ng SACLEO sa kanyang nasasakupan hangga’t may matigas ang ulo na ayaw pa ring tumigil sa kanilang bawal na gawain lalo na ang pagtutulak ng bawal na gamot.