Abante Tonite Interactive

Drug pusher sa Valenzuela natodas

By
2,337

Patay ang isang drug pusher nang manlaban umano sa mga pulis habang nadakip naman ang kanyang kasamahan sa buy-bust operation sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Chief Ins­pector Jowilouie Bilaro, hepe ng Station Drug Enforcement Unit, kinilala ang nasawi na si Ronaldo Asistio Manalo alyas ‘Golem’, 52-anyos, residente ng Mulawinan, Brgy. Panghulo, Malabon City.

Kalaboso ang kanyang kaibigan na si Ranny Manalastas na nagtangka pang tumakas pero nasakote rin.

Abante Hiring – IT dep

Sabi ni Bilaro, bandang alas-8:45 ng gabi, ikinasa ng kanyang mga tauhan ang buy-bust operation sa Doresol Compound, Area 5, Pina­lagad, Brgy. Malinta, Valenzuela City.

Napag-alaman na sa nasabing lugar naglalagi ang mga suspek para magbenta ng iligal na droga.

Dalawang pulis ang nagpanggap na iiskor ng shabu na nagkakahalaga ng P300. Pero nakahalata umano ang napatay na suspek na pulis ang kausap kaya binaril nito pero hindi tinamaan.

Dahil doon, gumanti ng putok ang grupo ng mga pulis at tinamaan sa dibdib ang suspek na siyang ikinasawi nito.

Nagtatakbo naman ang isa pang suspek na si Manalastas, pero nasalubong siya ng ibang pulis na naroroon.

Nasamsam kay Manalastas ang tatlong plastic sachet na may lamang shabu at nabawi rin ang buy-bust money. Nakuha naman sa napatay na suspek ang isang .38 caliber revolver na Smith & Wesson na may apat na bala.