Abante Tonite Interactive

Drug supplier ni rapper Mac Miller arestado

0 428

Hollywood:

Sinampahan na ng kaso ang taong responsable umano sa pagkamatay ng rapper na si Mac Miller.

Ayon sa The Blast, sinampahan ng kaso si Cameron James Pettit, 28, ng federal prosecutors dahil sa pagbebenta ng nakamamatay na fentanyl-laced pills kay Miller.

Nagbenta umano si Pettit ng delikadong substance sa rapper, dalawang araw bago ito mamatay sa overdose nitong September 7, 2018.

Inaresto si Pettit nitong Miyerkoles, September 4 sa kanyang tahanan sa Hollywood Hills. Nasampahan siya ng 1-count ng pagbebenta ng controlled substance.

Ayon sa affidavit, si Pettit ay nagbenta ng narcotics sa namayapang rapper, na namatay dahil sa halo-halong paggamit ng droga katulad ng fentanyl, cocaine at alcohol.

Ayon pa sa mga dokumento, nakuha ng mga opisyales ang text message ni Miller kay Pettit, hinggil sa pagsusuplay ng 30 mg ng oxycodone pills, cocaine at Canax. Nasinghot umano ni Miller ang counterfeit pills bago ito mamatay.

Bukod pa dito, nakuha rin nila ang mensahe ni Pettit sa isang kaibigan matapos ang pagkamatay ng rapper.

“Most likely I will die in jail,” saad ng text ni Pettit.

Hinihinala rin na may isa pang taong sangkot na inilalarawan bilang “prostitute” ang nagsuplay ng droga kay Miller, subalit nang i-test ang droga ay hindi umano ito naglalaman ng fentanyl. (Ronaline Avecilla)