Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Drug suspek ginamit anak para makatakas

0 48

Nakatakas matapos tumalon sa bangin ang isang ‘high-value drug suspect’ matapos umanong gamitin ang kanyang anak bilang human shield at makipagbarilan sa mga aarestong pulis sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa sa Talisay City, Cebu.

Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang manhunt operation laban sa suspek na nakilalang si Efren Espina, nasa hustong gulang, residente ng Barangay Jaclupan ng nabanggit na lungsod.

Samantala, sugatan matapos mabaril sa balikat ang isang pulis na nakilalang si Patrolman Gilbert James Lusica, nakatalaga sa Talisay City PNP.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa ulat, pasado alas-siyete Huwebes ng gabi nag-buy bust ang mga tauhan ng Talisay PNP laban sa suspek suba­lit natunugan ng huli na pulis ang kanyang katransaksiyon dahilan upang bitbitin nito ang kanyang 6-anyos na anak na lalaki at armado ng kalibre .45 baril ay mabilis na tumakas habang pinapuputukan umano ang aarestong mga pulis at tinamaan si Lusica.

Hindi makaganti ng putok ang pulisya sa pangambang tamaan ang anak ng suspek at pagdating sa isang ba­ngin ay saka binitawan ng suspek ang kanyang anak at tumalon.

Pinaniniwalaang nakaligtas sa pagtalon ng bangin si Espina dahil walang nakitang bangkay o katawan sa pinagtalunang bangin. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.