Abante Tonite Interactive

Drug test ‘di puwede sa kandidatong senador, congressman — Panelo

By
212

Sa halip na random drug testing, iminungkahi ng Malacañang na mas mabuting boluntaryong magpa-drug test ang mga kandidato sa 2019 midterm elections.

Sinabi ni Presidential Spokesman at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Pane­lo na ang boluntaryong pagpapa-drug test ay paunang hakbang para maibapatid sa mga botante na wala silang itinatago bilang magi­ging lingkod bayan.

Nauna rito ay ipinanukala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na isailalim sa random drug testing ang lahat ng mga kumandidato para sa 2019 midterm elections pero malamig ang Malacañang dito.

Sinabi ni Panelo na hindi ito maaaring gawin sa mga tatakbong senador o kongresista dahil mayroon nang desisyon ang Korte Suprema hinggil dito.

Mangangailangan aniya ito ng dagdag na kuwalipikasyon ng lagpas sa probisyon ng Konstitusyon kung igigiit ang random drug testing sa mga tatakbo sa Kongreso.

Pero sinabi ni Pane­lo na pupuwede ang random drug testing sa mga lokal na kandidato dahil pinapayagan ito sa inamiyendahang Local Government Code alinsunod sa nakasaad na probisyon sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.