Abante Tonite Interactive

Drug test sa kolehiyo simula sa 2019 — CHED

By
0 286

Kinakailangan nang sumailalim sa random drug test ang mga estudyante sa unibersidad, kolehiyo at iba pang higher education institutions (HEIs) simu­la sa academic year 2019-2020.

Inihayag ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman J. Prospero De Vera III sa panayam sa kanya sa telebisyon nitong Martes nang gabi, na ang nasabing hakbang ay batay sa Memorandum Order 18, alinsunod sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nagpahayag naman ng pagkabahala dito si Basilio Claudio, hed for legal issues and concerns ng University of the Philippines (UP) Student Council, dahil maaaring makompromiso aniya ang confidentiality ng drug testing result sa mga estudyante.

Aniya, paano makakatiyak na magiging patas ang pagtrato sa mga estudyante lalo na iyong may mga dati nang disciplinary case, at hindi magkakaroon ng diskriminasyon sakaling lumabas sa resulta ng drug test na positibo ito.

Posible rin aniya na hindi sumunod sa mga batayang panuntunan ang mga pulis kapag nagsagawa ng drug raid sakaling hilingin ito sa kanila ng school administration.

Tiniyak naman ni De Vera na hindi ihahayag sa publiko ang magi­ging resulta ng random drug testing.

“Hindi puwedeng isapubliko ang resulta ng drug testing at ginagawa natin ito para ma-identify ang mga estudyante may problema para sila ay mabigyan ng karampatang health intervention so hindi ito gagamitin para tanggalin ang estudyante.

Sinabi pa ni De Vera na bibigyan ng prayoridad ang kaligtasan at seguridad ng mga estudyante sa pagbuo ng mga panuntunan para sa pagpapatupad ng mandatory drug test.