Abante Tonite Interactive

Drug user nag-dive sa 39th floor ng SMDC Condo

By
3,029

Nagkalasog-lasog ang katawan at basag ang bungo ng isang matandang binata na umano’y naging drug user matapos na tuma­lon ito mula sa 39th floor ng isang condominium sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ayon kay Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police ­District (QCPD), nakilala ang nagpakamatay na si David Gapuz, 48-­anyos, self-employed at tumutuloy sa Tower 1 ng Grass Residences, isang condominium na pag-aari ng SMDC at matatagpuan sa Brgy. Santo Cristo ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na im­bestigasyon ni PO3 Alvin Quisumbing, naganap ang trahedya dakong alas-11:22 ng gabi nitong Lunes sa Tower 1 ng condominium.

Batay sa pahayag ni Noli Perez, duty security guard sa condo, nagro-roving siya nang makarinig ng malakas na lagabog.

Pinuntahan niya ang pinagmulan ng narinig na lagabog at tumambad sa kanya ang biktima na lasog-lasog at duguan ang katawan.

Isinalaysay umano ng ina ng biktima na si Ginang Diana Chua Gapuz, 72-anyos, na noong nakalipas na dalawang linggo ay tumawag pa sa kanya ang anak at nangungumusta ngunit wala naman itong idinaing na problema.

Napag-alaman na nagpa-rehab na umano ang kanyang anak dahil naging drug user ito at lumabas makalipas ang dalawang taon.

Walang iniwang suicide note ang binata kaya hindi pa malaman kung bakit nagpakamatay ito. Pero nakakuha ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng mga patalim, bulak at mga puting t-shirt sa loob ng silid nito.

Nadiskubre din sa isinagawang awtopsiya ng SOCO na may food poisoning sa tiyan ang biktima kaya’t hinihinalang uminom muna ito ng lason bago tu­malon mula sa 39th floor ng condo.
Gayunman, patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya kung may naganap na foul play sa insidente.