Abante Tonite Interactive

DSWD, DOF kinalampag ng mga Metro Manila mayor

527

Dalawang resolusyon ang inaprubahan ng Metro Manila Council (MMC) para sa pamamahagi ng social amelioration package (SAP) at mga napapaulat na kaso ng diskriminasyon laban sa mga health care worker, COVID-19 patient, at mga hinihinalang infected ng virus.

Nabatid na nagpulong nitong Abril 6, Lunes, ang mga miyembro ng MMC sa pamamagitan ng teleconferencing, sa pangunguna ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Danilo Lim.

Ang MMC ang governing board at policy-making body ng MMDA.

Tinalakay nila ang dalawang nasabing isyu at kalaunan inaprubahan ang mga resolusyon hinggil dito.

Sa inaprubahang Resolution No. 20-07 Series of 2020, iginiit ng MMC sa Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) at sa Department of Finance (DOF) na ibalik sa orihinal na bilang ang mga target beneficiary sa 17 local government unit sa Metro Manila para sa pamamahagi ng SAP, alinsunod sa Republic Act No. 11469 (Bayanihan to Heal As One Act) at RA No. 7160 (Local Government Code of 1991).

Pinagbatayan din na ang Metro Manila ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong bansa, pinakamaraming bilang ng mga apektadong daily wage earner, at extended o multiple family sa kada kabahayan sa rehiyon.

Sa resolusyon, sinabi ng MMC na nagbigay ng inisyal na bilang ng mga target beneficiary ang DSWD-NCR at DOF para sa buong Metro Manila pero nabawasan kinalaunan.

“Para sa interes ng kaayusan, kaligtasan, at pangkalahatang kalusugan, at para sa paggampan ng tungkulin ng 17 Metro Manila LGUs sa ilalim ng Local Government Code of 1991 kaugnay sa COVID-19 enhanced community quarantine, mayroong agarang pangangailangan para ibalik sa dating bilang ng DSWD-NCR at/o DOF ang mga target beneficiaries ng SAP,” ayon sa MMC.

Ang SAP ay ayuda ng gobyerno para sa mga mahihirap at pinakaapektado ng COVID-19 pandemic.

Tinalakay rin ang mga napapaulat na kaso ng karahasan at diskriminasyon sa mga pasyente, frontliner, person under investigation (PUI) at person under monitoring (PUM).

Hinikayat ni Lim at mga miyembro ng MMC ang local legislative council sa Metro Manila para magpasa ng mga ordinansang nagbabawal at nagpaparusa sa mga ganitong gawain.

“Inirerekomenda ng mga alkalde ng Metro Manila sa Metro Manila LLCs ang paglalabas ng mga ordinansyang magbabawal at magpaparusa sa anumang uri ng diskriminasyon at karahasan tulad ng libel, slander, physical injuries, dishonor of contractual obligations gaya ng contract of lease o trabaho,” ayon sa Resolution No. 20-08, Series of 2020 na inaprubahan ng MMC.

Samantala, sa gitna ng enhanced community quarantine, tiniyak ni Lim at ng mga alkalde sa Metro Manila na nakikipag-ugnayan sila sa isa’t isa at sa national government at Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Disease (IATF-EID).

Ang dalawang resolusyon ay nilagdaan ng lahat ng alkalde sa Metro Manila.

Tonite – Wendys Inhouse Ad