Abante Tonite Interactive

DSWD Hindi Patas sa Bigayan ng SAP

666

Isang linggo na lang, matatapos na naman ang pinalawig ng enhance community quarantine sa Luzon at iba pang mga lugar na mataas pa rin ang bilang ng COVID-19 case.

Magdadalawang buwan na rin mula nang ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa buong bansa dahil sa banta ng coronavirus.

Dahil patuloy pa rin ang bilang ng kaso nito, malamang muling i-extend sa ikatlong pagkakataon ang ECQ sa maraming pang lugar, partikular sa Metro Manila.

Heto nga’t matatapos na naman ang ECQ, pero hanggang ngayon iisa pa rin ang daing ng taumbayan, lalo na iyong mga nasa laylalayan: Asan na ang kanilang SAP?

Hindi ba dapat noong Abril 30 pa ang deadline ng distribution ng cash subsidy sa ating mga kababayan pero muli itong pinalawig dahil maraming pang mga bayan at lungsod ang hindi natatapos sa pamamahagi nito.

Sa ngayon kasi, 75 porsiyento pa lang ng SAP financial assistance ang naibibigay sa buong bansa o 985 na LGU pa lang out of 1,624 ang nakakatapos sa pagbibigay nito.

Kaya naman, muling nagdesisyon ang DILG i-extend ang deadline hanggang Mayo 10, araw ng Linggo.

Dito lang sa amin sa Mabalacat City, hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ang mga nag-qualify sa dapat bigyan ng SAP. Medyo magulo daw kasi ang listahan at pili lang ang binibigyan ng ayuda.

Sa sumbong ng ilang residente ng Mabalacat City, marami nabigyan ng ayuda kahit ang mga asawa ay nagtatrabaho sa abroad, ang iba ay mga paupahan o apartment habang ang iba naman ay mga pensiyonado na.

Pero ilan sa kanila, na karamihan ay mga driver ng tricycle, jeepney at mga UV Express na walang kita ngayong ECQ dahil hindi nga pinayagang makabiyahe ay hindi nakasama sa mga nag-qualify. Kaya naman galit na galit ang mga ito dahil walang-wala na talaga silang mapagkukunan ng makakain.

Ang alam ko, hindi kasama ang mga pensiyonado sa dapat bigyan ng ayuda pero nakakalusot pa rin. Pati nga raw ang mga patay na ay nakatanggap pa ng ayuda, sumbong ng mga nakausap ng Abante.

Kuwento pa ng iba, may ilang din mga malalakas kay kapitan na kahit kabilang sa middles class ay nauna pang nabiyayaan ng cash subsidy.

Mahigit 18 milyong pamilya ang target na mabigyan ng SAP pero mukhang mami-miss nila ang kanilang target dahil hanggang sa ngayon 10 milyon lang ang ang nabibigyan. At malapit nang matapos ang ECQ niya ha.

Sana bilisan ang pamamahagi ng SAP at sana doon talaga sa mahihirap na pamilya mapunta dahil sila ang higit na nangangailangan nito sa panahong ito ng krisis.

Huwag naman sanang unahin ang mga kaibigan, mga kamag-anak at mga kapamilya ng mga LGU officials dahil hindi naman talaga para sa kanila ang cash subsidy na iyan. Mahiya naman kayo sa balat n’yo!

Tonite – Wendys Inhouse Ad