DSWD, mga LGU bantayan sa panahon ng COVID crisis

586

Dalawang linggo nang naka-lockdown ang karamihan sa pamilyang Pilipino sa Metro Manila at mga lalawigan sa Luzon dahil sa ipinatupad na enhanced community quarantine.

Kaya nga marami na ang mga kababayan natin ang nagugutom. Marami na rin ang umaangal dahil wala nang pagkukunan ng pang-araw-araw na gastos lalo na sa pagkain.

Karamihan kasi ay ‘no work, no pay’ kaya talagang nganga na dahil mahigit dalawang linggo na tayong nakakulong sa ating mga tahanan.

In fairness naman sa gobyerno may ginawa naman silang hakbang para matugunan ang ating mga pangangailangan katulad ng pagbibigay ng emergency power kay Pangulong Rodrigo Duterte para matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino ngayong lockdown.

Saklaw ng ibinigay na 25 power ng Kongreso kay Pangulong Duterte na tatagal hanggang Abril 15, 2020 ay ang paggamit sa P275B para tugunan ang pangangailangan sa pagkain ng mga apektadong Pilipino.

Alinsunod sa batas mamimigay ang pamahalaan ng mula P5,000 hanggang P8,000 sa mga mahihirap na pamilya partikular ang mga tinatawag na informal sector.

Ang pondo ay pangangasiwaan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang mga local government unit.

Kaya naman dapat nating tutukan ang DSWD at mga LGU na pinagkatiwalaang pangasiwaan ang pamamahagi ng tulong.

Hindi naman sa nilalahat natin pero maraming taga-DSWD at LGU ang wala talaga sa hulog.

Imbes na pangasiwaan ng mabuti ang ipinagkatiwalaang pondo ay sila pa ang nagpapasasa. Iniipit at kung anu-anong palusot ang ibinababa sa kanilang mga nasasakupan.

Napakaraming kuwento tungkol sa kabulastugan ng mga LGU at DSWD kaya hindi natin masisisi ang marami nating kababayang magduda sa kanilang bulok na patakaran.

Nakakalungkot dahil baka pagkatapos ng unos na ito ay hayahay ang mga LGU at DSWD dahil sa sangkatutak na pondong dumaan sa kanilang mga kamay habang pinaghihintay pa ang mga nakanganga na kababayan sa ibibigay na tulong.

***

Ano ang protocol sa donasyon?

Speaking of kalokohan sa mga panahong ito. Isang kaibigan ang nagbigay ng impormasyon sa atin tungkol sa wala sa lugar na pagpapatupad ng batas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Ayon sa ating source, hinarang diumano ng IATF-EID ang isang grupong dapat ay maghahatid ng relief goods, surgical mask, face shield at COVID test kits sa mga frontline worker sa Cagayan.

May basbas naman diumano ng local government ng Sta. Ana, Cagayan ang mga dalang tulong ng grupong mula sa Eastern Hawaii.

Ang grupo ay binubuo ng 21 katao kabilang ang 13 worker-volunteer na pawang Pinoy maliban sa isang Taiwanese na sakay ng dalawang trak.

Pinaiwan naman umano ng IATF-Cagayan ang dalang pagkain ng grupo pero pinabalik ng Manila ang grupo. Kaya ang mga bitbit na protective gear at rapid test kits ay ibinalik sa Maynila.

Ang grupo ay bumiyahe ng 15 oras para makapaghatid ng tulong sa lalawigan pero hindi nila ito naibigay dahil sa pagharang ng IATF.

Alam nating may mga pinaiiral na protocol pero pagdating sa ganitong sitwasyon sayang ang mga dumadating na tulong kung hindi maayos ang sistema.

Ang ating panawagan, maglatag ng protocol pagdating sa mga nagpaparating ng tulong dahil marami naman pala, ang problema lang ay walang panuntunang inilalabas ang mga kinauukulan.

Tonite – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...