DSWD sasagipin mga batang lansangan sa coronavirus

Hinikayat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang publiko na i-report sa kanila kung may makikitang mga batang pakalat-kalat sa mga lansangan upang mabigyan ng lugar na matutulugan at maprotektahan laban sa COVID-19.

Ayon kay DSWD spokesperson Director Irene Dumlao, maaaring makipag-ugnayan sa kanilang field office sa National Capital Region (NCR) at sa mga local government unit (LGU) ang sinomang may makikitang mga bata o pamilyang pagala-gala sa mga lansangan upang agad nila itong masagip.
“Maaari nilang itawag sa Crisis Intervention Unit ng DSWD field office ng NCR sa telepono bilang 8735-5413. Gayundin, maaari nila itong itawag sa mga lokal na pamahalaan,” apela ni Dumlao sa publiko. (Dolly B. Cabreza)