Abante Tonite Interactive

DTI binakbakan ng congressman sa pambobola sa TRAIN

By
2,927

May hugot si Ba­yan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate laban kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez.

Ayon sa solon, dapat tigilan ni Lopez at ng iba pang opi­syal ng gobyerno ang diumano’y pagpapa­kalat ng maling impormasyon patungkol sa implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Nililito umano ng mga opisyal ng gobyerno ang publiko at desperadong pinagtatakpan ang masamang epekto ng agresibong tax reform measure ng administrasyong Duterte.

Sa halip aniya na sisihin ang mga kritiko, dapat tantanan ni Lopez ang pagbibigay ng katuwiran at pagdepensa sa nega­tibong mga epekto ng ‘runaway TRAIN’.

“Truth be told, it is the administration that is not being objective and honest­ on the negative and wrecking effects of the TRAIN on the poor majority of Fi­lipinos. Sec. Lopez and other secretaries are spreading fake news on the TRAIN,” paghahayag ng Ba­yan Muna solon.

Binanggit na halimbawa ni Zarate ang pag-aaral na ginawa ng independent think tank na IBON Foundation.

Pinasinungalingan aniya sa nasabing pag-aaral ang ipinagmamalaki ng gobyerno na umaabot sa 6.8 milyong Pinoy ang makikinabang sa TRAIN.

Sa reyalidad, batay kay Zarate, ay 4.5 milyon lang ang magbebenepisyo mula sa TRAIN, pero 15.2 milyong bilang ng mga pobreng Pinoy naman ang tatamaan nito lalo na sa magiging ‘domino effect’ dulot ng pagsipa ng presyo ng produktong petrolyo.

Sa pangkalahatan­, iginiit ni Zarate na ‘anti-poor measure’ ang TRAIN na sisira sa buhay ng maraming Pinoy.