Abante Tonite Interactive

DTI inutos na magbigay ng 30-day grace period sa pagbayad ng renta sa residential, commercial

544

Inutusan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga nagpapaupa ng bahay pati ang mga commercial spaces para sa micro, small, at medium enterprises na bigyan ng 30-day grace period ang mga umuupa habang naka-lockdown pa ang Luzon.

Ang kautusan ay nakalagay sa DTI Memorandum Circular No. 20-12, Series of 2020 na may petsang April 4, 2020.

Sabi ni DTI Secretary Ramon Lopez, ginagawa ito para maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino at mga negosyante habang nananalanta pa ang COVID-19 sa bansa at para masegurong makatatawid sila sa kanilang pamumuhay habang naka- lockdown pa.

Ang 30-day grace period ay para din hindi na masingil pa ng interes, penalty at iba pang charge ang mga negosyong napilitang magsara dahil sa lockdown.

Ayon sa utos, hindi obligadong mag-refund ang mga nagpapaupa sa mga residential at commercial na binayaran na noong panahon ng lockdown subalit kailangang bigyan sila ng 30-day grace period sa susunod na bayaran ng walang interes at penalty.

Kung maari, sinabi ng DTI na i-waive na ang upa o bahagi ng upa sa commercial rent habang naka- lockdown at tignan ang posibilidad na muling ire- negotiate ang kontrata para maibsan ang epekto ng lockdown sa mga MSMEs.

Dagdag pa ng DTI, wala dapat na mae-evict habang may lockdown sa dahilang hindi sila nakabayad ng upa sa 30 araw .

“No Filipinos should lose their residence during the ECQ period. Moreover, the importance of MSMEs in jumpstarting our economy once the ECQ has been lifted cannot be understated,” sabi ni Lopez.

Ang sinumang hindi sumunod ay maaring ireklamo sa FTEB@dti.gov.ph. (Eileen Mencias)

Tonite – Wendys Inhouse Ad