Abante Tonite Interactive

Due process

339

Huwag ho kayo magkakamali, pero ako ay kakampi ng war on drugs ng Pangulong Duterte. Nakikiisa po tayo sa adhikaing matuldukan ang problema ng iligal na droga sa bansa at matupad ng Pangulo ang kanyang pangako sa sambayanan na tatapusin niya maliligayang araw ng mga taong sumisira sa kinabukasan ng bayan.

Suportado natin ito kasabay ng patuloy na­ting pangangalaga sa rule of law. Pangangalaga sa proseso ng pag-aresto at pagpapakulong sa mga nagkasala. ‘Yan ay marapat na sinusunod ng lahat ng mga ta­gapagpatupad ng batas. Kaya ang Bill of Rights ay pangatlong artikulo sa Saligang Batas dahil mahalagang mapangalagaan ang karapatan ng bawat mamamayan sa pang-aabuso ng mga ahente ng estado.

Ang mga abogadong sina Romulo Alarkon, Jan Vincent Soliven at Lenie Rocha ay inaresto, kasama ng kanilang kliyente, may-ari ng Times Bar sa Makati. Ang kasong kanilang kinaharap? Obstruction of justice at constructive possession of illegal drugs dahil nandoon sila sa lugar na hinihinalang pugad ng party drugs.

Bago sila arestuhin, ang tatlong abogado ay tinawagan ng may-ari ng Times Bar matapos itong salakayin ng mga ahente ng Makati anti-drug enforcement unit. Sila’y nagpunta sa lugar, hiningi ang kopya ng search warrant at sinubaybayan ang ginawang pagha­halughog sa lugar ng pulis. At dahil doon, sila’y kinasuhan. Ika nga ni Senador Koko Pimentel, kung ano ang kaso ng kliyente, ganu’n din ang kasong isinampa sa kanyang mga abogado. Masyado atang baluktot ang katuwirang ito, dagdag pa ni Pimentel.

Hindi makatuwiran ang pag-arestong ito. Lumalala ang kultura ng kawalang pananagutan sa PNP, ika nga ni Senador Frank Drilon.

Para po sa kapa­kanan ng mga hindi nakakaalam, ang mga taong pinagbibintangan ay merong karapatan, sa ilalim ng batas para hindi maabuso ang kanyang mga karapatan sa proseso. Ang pulis ay hindi puwedeng magha­lughog ng pag-aari ng isang indibidwal nang walang utos ang hukuman. Meron din karapatan ang isang tao sa ta­gapagtanggol o abogado para matiyak na ang kanyang mga karapatan ay napapangalagaan.

Ngayon, kung ang mga opisyal ng hukuman ay hindi ginagalang ng mga tagapagpatupad ng batas, ano ang aasa­hang paggalang sa ating kapulisan ng mga ordinaryong mamamayan? Aber?

This should not be tolerated. Pero kanina lamang, binigyan ng pagkilala ang mga operatiba ng Makati anti-drug enforcement unit ng pamunuan ng kapulisan. Narinig pa ngang sinabi ni Chief Albayalde, “O baka binigyan ninyo ng special treatment ang mga abogadong hinuli ninyo?” Ayos hepe. Kuha na po namin ang mensahe. Mauulit at mauulit ang pang-aabusong ito.