Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Dulo ng pila sa bakuna

0 215

Malinaw ang ebidensya mula sa karanasan ng mga bansang nakauungos sa pagbakuna ng kanilang populasyon (tulad ng US at Israel) na susi ang bakuna sa paggapi sa pandaigdigang pandemya ng COVID-19 at panunumbalik sa “normal” ng ekonomiya at buhay panlipunan.

Batid ito ng administrasyong Duterte, laluna’t naghuhumiyaw ang katotohanan na lagpas sa kakayahan nitong magpatupad ng mga epektibong hakbang para pigilan ang paglaganap ng coronavirus sa ating populasyon.

Sa kasamaang palad nating mga Pilipino, palpak na nga ang gobyerno sa test-trace-quarantine, palpak pa rin sa pagbili ng bakuna at pagpapatupad ng programang imunisasyon sa antas, saklaw, at bilis na kinakailangan upang makamit ang inaasam na “herd immunity” at masawata ang pandemya.

May dalawang malaking problema na kinkakaharap ang programang bakuna ng rehimen. Una ang problema sa supply. Sa katunayan, may pandaigdigang shortage ng bakuna dahil minomonopolyo ng iilang mayamang mga bansa (nangunguna rito ang US, kabilang din ang UK, at mga bansang EU) hindi lamang ang kalakhan ng bakunang minamanupaktura ng kanilang mga dambuhalang korporasyong parmasyotiko, kundi maging ang mga hilaw na materyales na kailangan para makalikha ng bakuna. Halimbawa, India ang pinakamalaking tagamanupaktura ng bakuna sa buong mundo, ngunit hindi ito makapagpalitaw ng sapat na bilang ng bakuna para maampatan ang kanilang rumaragasang pandemya dahil hanggang kamakailan, ipinagbawal ng US ang pag-export ng raw materials para sa bakuna sa ibang bansa.

Gipit na nga ang pandaigdigang supply, pinalala pa ito ng kapalpakan ng mga opsiyal ng gubyerno. Noong Setyembre 2020, nagdeklara si Duterte na papaboran niya ang mga bakuna ng China at Russia dahil umaangal siya na humihingi ang mga “Western” drug companies ng down payment kahit nasa maagang yugto pa lamang ng clinical trials ang kanilang mga bakuna. (Samantala, nagrereserba na ng mga order ng bakuna ang ibang mga bansa.) Noong Disyembre, nilantad ni Department of Foreign Affaris Sec. Teddy Locsin Jr. na pinalampas ni Department of Health Sec. Francisco Duque ang pagkakataong maagang makakuha ng 10 million doses ng bakunang Pfizer (“someone dropped the ball”). Umabot pa ng Pebrero nang maisabatas ang indemnity fund na rekisito ng mga drug companies na nagbebenta ng bakuna. Sa puntong ito, nasa dulo na ang Pilipinas sa mahabang pila ng mga bansang nais mag-order ng bakuna.

Sa ngayon, may 8.28 million doses ng iba’t ibang bakuna na nasa loob ng bansa. Binubuo ito ng: 5.5 million doses ng Sinovac (“Coronavac” ang aktwal na pangalan ng bakuna) mula sa China; 2.556 million ng AstraZeneca; 193,050 ng Pfizer; at 30,000 ng Sputnik V mula sa Russia. Isang bagay na dapat patampukin: tanging ang 4.5 million doses lamang ng Sinovac ang nabili ng administrasyong Duterte, o sa madaling sabi, nakuha mula sa sariling sikap ng gubyerno. Pawang mga donasyon ang iba pa: mula sa COVAX facility ng World Health Organization ang AstraZeneca at Pfizer, samantalang donasyon din ang Sputnik at 1 million doses ng Sinovac. Malinaw na indikasyon ng kapalpakan ng gubyerno ni Duterte sa vaccine procurement.

Sa susunod, tatalakayin natin ang ikalawang malaking problemang kinakaharap ng programang bakuna: “vaccine hesitancy” o pag-aatubiling magpabakuna at negatibong pagtingin sa Sinovac.

Leave A Reply

Your email address will not be published.