Abante Tonite Interactive

Dumalaw sa mamamatay na kaibigan

162

Napanaginipan ko ang isang kaibigan na matagal ko nang hindi nakikita. May malubha raw siyang sakit at malapit nang mamatay. Sa panaginip ko ay dinalaw ko siya sa kanyang bahay. Nakita kong sinalubong pa niya ako.

Habang nagkukuwentuhan kami, masaya ang ipinakita niyang mukha pero ako daw ay pigil na pigil ang emosyon dahil alam kong malubha ang kanyang sakit. Hindi naman siya namatay sa panaginip ko dahil na­gising na ako.

Tulad ng panaginip na may namatay, ang pana­ginip tungkol na may mamamatay ay sumi­simbolo rin sa pagbabago. Kadalasan ang mga nagkakaroon ng ganitong panaginip ay may ikinukonsiderang pagsasara ng isang chapter sa kanyang buhay at nahaharap sa isang pagsisimula.

Maraming tao ang natatakot tuwing nagkakaroon ng ganyang pana­ginip habang ang iba na may lumang paniniwala ay nagsasabing bad omen o premonisyon ang ganitong panaginip. Pero malayo ito sa katotoha­nan, sa halip madalas na ang taong napanaginipan natin tulad ng iyong kaibigan ay representasyon ng iyong sarili. Sa iyong panaginip, bagama’t siya ang mamamatay ay ikaw itong ‘mamamatay’ kaya kung ang kamatayan ang sumisimbolo sa isang pagbabago, pagtatapos ng isang kabanata at isang bagong panimula, ikaw itong nahaharap sa ganitong pagbabago.

Ang iyong kaibigan lamang ang naging representasyon ng iyong sarili dahil posibleng ang iyong kaibigan ay may kata­ngian na maaaring ikonek sa iyong pinagdaraanan o ikinukonsiderang pagbabago sa buhay.

Ang ganitong pa­naginip ay puwede ring ikonek sa guilt feelings. Pag-aralan kung sa aktuwal na buhay ay may nara­ramdaman kang guilty feelings. Meron bang pangyayari na hindi ka nakatulong sa isang taong mahalaga sa iyo? Sa iyong panaginip, mamamatay ang iyong kaibi­gan at ito’y iyong dinalaw kaya may ginawa ka at maaaring iyon naman para sa iyo ay wishful thinking na sa isang aktuwal na sitwasyong pinagdaanan mo sana ay may ginawa ka ring pagdamay.

Pero puwede ring sa aktuwal na buhay ay takot ka lamang na mawala ang iyong mga mahal at ang kaibigan mo lamang ang naging representasyon ng mga mahal mo sa buhay.

Sa mga pag-aaral, ang mga taong madalas ma­naginip ng tungkol sa kamatayan ay may mga pinagdaraanan sa buhay at may malaking pagbabagong kinakaharap na nagdudulot sa kanila ng anxiety at pagkatakot. Kung ganito ang iyong ­sitwasyon, magpakatatag at sikaping magkaroon ng positibong pananaw sa buhay.
***

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang pana­ginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.