Abante Tonite Interactive

Dumulog sa DSWD

By
2,893

Dear Atty. Claire,

Sana po ay matulu­ngan niyo ako. Ako po si Jethro, 22-anyos, ako po ay may kaibigan na babae na pangalanan nating Luz at siya ay 16 years old lang.

Nu’ng Dec. 28, 2016, nagkayayaan kaming mag-joyride, kasama ang kaibigan pa na­ming isa na si Titay. Nu’ng mga bandang 6:00PM ay tumawag ang ina ni Luzvie kay Titay, at sinabing umuwi na sila, at nanakot ang ina niya na kakalbuhin daw niya ulit si Luz at bubugbugin si Titang pag-uwi nila.

Sa takot ni Luz, nagdesisyon siyang huwag muna umuwi dahil baka ano mangyari sa kanya. Si Titay naman ay nauna nang umuwi, samantalang ako, dala ng pagmamalasakit ko, sinamahan ko si Luz. Doon kami natulog sa bahay ng tito ko, at sumunod na araw, umuwi na rin kami.

Sobrang galit ng ina ni Luz, na kakasuhan daw ako ng rape at kidnapping dahil hindi kami umuwi, pero wala naman nangyari sa amin, at nagmalasakit lamang ako dahil kaibigan ko siya at ayaw ko naman na iwan na siya basta-basta.

Makalipas ang dalawang araw, wala naman silang isinampang reklamo laban sa akin, ngunit noong Jan. 2, 2017 ay pinalayas nila si Luz, at sinabi nila na kailangan daw ay ibahay ko na siya dahil itinakbo ko daw siya.

Sa awa namin kay Luz dahil sa nangyari, kinupkop siya ng magulang ko at kinupkop sa bahay. Ang problema ay hindi rin naman kami ganu’n kayaman, at nahihirapan na ang mga magulang ko dahil nadagdagan na naman ng pasanin sa bahay.

Inaantay lang namin na umalis na si Luz, ngunit natatakot siya dahil sinasabi ng mga magulang niya na bubugbugin daw siya kung uuwi siya at kailangan daw asawahin ko siya. Hindi ko siya mahal, dahil magkaibigan lang talaga kami, at ako ay may kasintahang iba.

Hindi namin alam ang gagawin namin dahil sinasabi ng pamilya niya na magkakaso daw sila at magrereklamo sa DSWD kung papaalisin namin si Luz. Meron na rin ka­ming pinapirmahan kay Luz na patunay na kusa siyang sumama sa akin upang mag-joyride ng araw na iyon.

Naiipit na po ako at pamilya ko sa sitwasyon, dahil pinipilit kaming buhayin ang anak nila, at ipaasawa sa akin, dahil kung hindi raw ay kakasuhan daw ako dahil menor-de-edad siya.

Ano po ba ang puwede naming gawin sa kasong ito attorney? Sana po ay matulungan niyo po kami.

Jethro

Mr. Jethro,

Nakausap mo na ba nang personal ang magulang ni Luz o ta­nging siya lamang ang nagsasabi sa iyo nang diumano’y sinasabi ng kanyang mga magulang? Siguradin na hindi gawa-gawa lamang ni Luz ang pananakot sa sinasabi niya.

Mas makakabuti na kayo ng pamilya ninyo ang unang pumunta sa Social Worker Office diyan sa iyong lungsod o munisipyo upang idulog ang problema.

Sa harapan ng isang social worker mula sa DSWD ay ipa-record mo ang tunay na naganap tungkol sa joyride at wala kang anumang ginawa kay Luz dahil magkaibigan lamang kayo.

Dapat na maitala rin sa kanilang record na kinupkop ninyo lamang sa Luz dahil sa pinalayas siya ng kamyang ina — at wala kayong anumang relasyon. Iharap si Luz sa nasabing social worker upping lumabas ang katotohanan.

Dahil kapag ito ay nai-record sa kanilang opisina ay mapapatunayan na wala kang kasalanang ginawa kay Luz na taliwas sa ibinibintang ng mga magulang niya.

Hilingin na rin sa social worker o DSWD na tulungan kayong ibalik si Luz sa kanyang mga magulang at upang mapagpaliwanagan ang mga ito tungkol sa tunay na pangyayari.

Matapos na dumulog sa social worker ay maaari rin kayong pumunta sa inyong barangay upang ipagbigay alam ang nangyayari upang maproteksiyonan ka kung sakaling dumating ang panahon na mag-iskandalo ang magulang ni Luz kahit na ikaw ay tunay na walang kasalanan.

Ipakita ang pinirmahan ni Luz tungkol sa inyong joyride at ipatala rin sa logbook ng barangay ang pag-amin ni Luz tungkol sa inyong relasyon bilang magkaibigan at walang namamagitan sa inyo.

Lahat ng dokumento na ito ay makakatulong sa inyong pamilya upang mapalabas ang katotohanan.