Abante Tonite Interactive

Dunk ni Kevine, hatid ay korona

524

Nag-dunk sa natitirang 10.6 segundo si Kevine Gandjeto para ibigay ang 63-57 victory sa Diliman kontra Olivarez College tungo sa unang kampeonato sa Universities and Colleges Basketball League (UCBL) Season 3 nitong Linggo.

Pinatahimik ng Diliman ang mga taga­hanga ng Sea Lions sa jampacked na Olivarez gym sa Parañaque at sa huling tatlong minuto ng laro umalagwa si Gandjeto para sa Blue Dragons tungo sa 2-1 win sa best-of-three finals series.

“Napakasarap itong championship na ito. No one expected us to be in this situation. It was hard work and perseverance of the players that won it for us,” sabi ni Diliman coach Rensy Bajar.

Matapos ang malam­yang laro ni Gandjeto sa Game 2 ay bumangon at bumawi ito sa pagrehistro ng 14 puntos, 10 rebounds at tigatlong blocks at steals.
Ang graduating swingman na si John Mahari ang tinanghal na Finals MVP matapos nitong tulungan ang Diliman sa kanilang 11-0 run na nagbura sa 41-47 na pagkalugmok.
Nasa tuktok ang Diliman sa eliminations ng liga at bitbit ang 10-game winning streak bago matalo sa Olivarez sa Game 2 ng Finals.