Abante Tonite Interactive

Duplikasyon ng trabaho sa kalye

0 241

Usap-usapan ngayon sa social media ng netizens ang mas matinding trapiko kung may nagmamando ng trapiko. Anong problema nga ba?

Maliban diyan ay kung oobserbahan natin ang trapiko sa mga pangunahing lansa­ngan ay tila nagiging duplikasyon na lamang ang mga trabaho ng mga nagkalat na traffic enforcers. May traffic lights naman tayong sinusundan at aral naman dapat ang mga motorista kung ano ang ibig sabihin ng traffic lights na kung green ay go, red ay stop at yellow ay warning o proceed with caution signal.

Kasi kung hindi alam ng motorista ito ay wala silang karapatan na magmaneho. Pero bagama’t may mga traffic lights ay makikita mo pa din ang mga nagkalat na mga traffic enforcers sa kalye na tila ay nagsisilbing mga traffic lights din.

Nagmamando din ng trapiko na kung minsan ay hindi mo tuloy malaman kung sila ang iyong susundin o ang traffic lights na atin namang dapat na sinusunod. Nagkakaroon kasi minsan ng pagkakataon na mismong mga traffic enforcers ang nagmamando na ng trapiko kahit gumagana naman ang mga traffic lights.

Nand’yan ang magpapahinto sila ng mga behikulo kahit sa traffic light ay naka go naman sila, sesenyas sa kabilang panig ng mga behikulo ng go kahit sa traffic light ay red naman ang signal. Nakakalito pa tuloy ang nga ganitong sistema lalo na sa mga bagong mga motorista na ang pinag-aralan ay ang batas ng trapiko sa pamamagitan ng pagsunod sa mga traffic lights at signs.

Nagmimistula tuloy na ang lumalabag pa ng batas ng traffic lights signal ay mismong itong mga traffic enforcers na ito. Hindi ko kasi mawari kung bakit kailangan nilang pakialaman ang traffic lights? obserbahan ninyong mga motorista na minsan ay mas traffic ‘pag may nakikialam na traffic enforcer sa pagmamando ng traffic lights na dapat naman nating sinusunod kesa ang ikaw ay pahintuin ng traffic enforcer samantalang go naman ang signal ng traffic light. Hay, ‘yan ang masasambit mo ‘pag ikaw ay nagmamaneho.

Ang nakakainis pa ay may mga traffic enforcers na hindi ata alam kung papaano ang magtantiya ng bilang ng minuto ng mga padadaaning mga sasakyan sa bawat direksiyon ng kalye. Minsan ay napakatagal bago pahintuin ang isang direksiyon at ang kabila naman ay makaraan lamang ata ang ilang sasakyan ay pahihintuin na agad na kinaiirita ng mga motorista. Kasi nga ay hindi naman dapat ganoon ang sistema. Ang sistema ay ang sumunod tayo sa traffic lights. ‘Yan ang batas na ating pinag-aralan at dapat na sinusunod.

Ang mga traffic enfor­cers ay dapat nand’yan lamang sa tabi para humuli ng mga lalabag sa batas trapiko at hindi pakialaman ang kung ano ang sinusundan nating mga motorista na traffic lights. At ang pakialam sa aking pa­nanaw ang traffic lights at sila ang magmando ay dapat lamang gawin kung sira ang traffic lights o kung mayroong mga emergency na kailangang magpadaan ng mga ambulansiya, fire trucks o kung ano pang mga sasakyan during emergency situation.

Ang dami pang dapat paglagyan sa kanila kesa ang kuma­lat-kalat sa kalye na maaari pang maging mitsa ng kanilang mga buhay ‘pag nahagip sila ng motorista sa kalye. Baka iyong ibang mga traffic enforcers na nagiging duplicate lang ang function sa trapiko ay maaaring magamit sa pagbabantay din ng mga kriminal hindi para sila ay umaresto kung hindi para makatulong sa pagbibigay ng agarang impormas­yon sa mga kinauukulan.

O kaya ay ilagay sila sa mga lugar na wala talagang mga traffic lights. Bawasan na natin ang ibang OA na sa kalye sa dami at ilagay sa mga dapat paglagyan kung saan sila mas lubos na makakatulong.