Abante Tonite Interactive

Duque: ‘ Di pwedeng mag- relax sa mga COVID protocol

699

Hindi payag si Department of Health (DOH ) Secretary Francisco Duque III na luwagan ang ipinatutupad ng mga polisiya at protocol sa paglaban ng bansa sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) .

Sa isang interview sa Dobol B sa News TV, sinabi ni Duque na ang lockdown na pinatupad sa China na tumagal ng 55 araw ay nakatulong nang malaki upang makontrol pagkalat ng virus.

“Hindi puwedeng magpaluwag tayo, ganu’n din sa Pilipinas. Hindi puwedeng luwagan ang mga hakbang na ating nilatag, isinasagawa,” sabi ni Duque.

“Mahirap magsalita sa kasalukuyan dahil tinitignan pa rin natin ‘yung datos ng bilang. Dapat bantayan pa rin natin,”dagdag pa nito.

Kahapon , inamin ni Secretary Carlito Galvez Jr., chief implementer of the national plan against COVID-19, na pinag-aaralan pa nila kung palalawigan ng 15 hanggang 20 araw ang enhanced community quarantine.

“Maganda po ang nagawa ng lockdown. Na-slow down ng lockdown ang spread ng virus. With that, nakita namin na malaki ang possibility na magkakaroon ng lockdown ng 15 more days,” sabi ni Galvez

Ayon kay Duque, maraming matutunan ang bansa sa mga dumating na Chinese health specialist na pinayagan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na bumisita sa bansa upang tumulong sa paglaban ng Pilipinas sa COVID-19 sa pamamagitan nang pagkakaloob ng technical advice sa epidemic prevention and control bukod sa pamamahagi ng kanilang medical treatment experience.

“Advisory ang papel na kanilang gagampanan. Gagabayan ang ating mga ospital, ating mga doktor. Tsaka ‘yung mismong ating technical advisory group of experts, para magkumpara ng kanilang mga notes,” sabi pa nito.

“Ano na ‘yung nakalap nila na best practice na puwede nating gamitin, pamamaraan kung paano pangangasiwaan nang mas epektibo ang bawat kaso ng COVID-19. Ano ba ‘yung gamot na kanilang sinubukan,” pahayag ng DOH chief.

Ayon ka Duque, marami pang dapat na isagawang testing ang DOH para makita ang tunay na sitwasyon ng Covid pandemic sa bansa.

Tonite – Wendys Inhouse Ad