Abante Tonite Interactive

Duque nabuking sa tinagong sitwasyon ng COVID – Zarate

0 1,553

Patunay lamang na itinatago diumano ni Health Secretary Francisco Duque III sa mamamayan ang tunay na sitwasyon ng bansa sa deklarasyon nito na nahaharap na tayo ngayon sa second wave ng COVID-19 infection.

Ito ang reaksiyon ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate kasabay ng pagsasabing tila pinasasakay na lamang ng pamahalaan ang taumbayan sa mga pagtatago nito sa tunay na sitwasyon ng bansa ukol sa pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic.

“Is the administration taking us for a ride all along? Sasabihin magka-second wave, samantalang nasa second wave na pala tayo. Sobra ang disconnect talaga, ang handling ng administrasyon sa COVID pandemic na ito. Itinago nila sa mamamayan ang tunay na sitwasyon samantalang tayo naman ang pinakanahihirapan,” ayon pa kay Zarate.

Kinuwestiyon pa ng mambabatas ang kabagalan ni Duque na magdeklara agad ng health epidemic noong Enero pa lamang na nasa first wave na ang COVID-19 infection.

“Nag-first wave na pala January pa, bakit hindi kayo nag-declare ng health epidemic o health emergency, ayon sa Sec. 7 ng R.A. 11332? Bakit hinayaan pa na kumalat nang kumalat ang COVID-19 bago pa nag-quarantine?” giit ni Zarate.

Ang Republic Act No. 11332 ay ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Sinabi pa ni Zarate na ang deklarasyon ngayon ni Duque na nasa second wave na ang bansa ng COVID-19 pandemic ay lalong nakadagdag ng takot sa mga tao na miserable na ang buhay dahil sa pagpapalawig pa ng lockdown at kawalang katiyakan dala ng patuloy na krisis.

“So, ano na nangyari sa flattening the curve? These ‘crowned symantics’, like the ‘no mass testing’ booboo, only add to the anxieties of our people who are reeling hard on the harsh impact of the prolonged lockdown, and, the uncertainties brought about by the continuing crisis,” ayon kay Zarate.

Dahil dito, giit ni Zarate, sa halip na ipamukha pa ng pamahalaan ang kapalpakan nito, pinakamainam umanong gawin ay magkaisang kumilos at magsagawa ng makatotohanang mass testing sa mga suspected COVID=19 positive, asymptomatic o hindi gayundin ang pagsasagawa ng pro-active contact tracing at gamutin ang lahat ng infected.

Sa ganito aniyang pagkilos ay unti-unti nang makakabangon ang bansa habang patuloy na napipigilan ang pagkalat ng coronavirus. (Eralyn Prado)

Tonite – Wendys Inhouse Ad