Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duque resign giit ng mga health worker

0 430

Nanawagan ang grupo ng mga health worker sa bansa para magbitiw na sa kanyang puwesto si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na kanilang sinisisi sa kawalan ng maayos na pagpaplano dahilan para tumaas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 infection.

Sa nilabas na pahayag ng Alliance of Health Workers (AHW) sa kanilang Facebook page, sinabi ng national president nitong si Robert Mendoza na magsasagawa ang mga health worker mula sa iba’t ibang ospital sa Metro Manila ng online protest sa kanilang mga ward tuwing lunch break para kalampagin ang gobyerno sa situwasyon ng COVID-19 pandemic sa bansa.

Aniya, halos limang buwan na nilang nilalabanan ang COVID-19 pandemic subalit wala pa ring malinaw at komprehensibong plano ang DOH kung paano lalabanan ang nakamamatay na virus at lumalala rin ang kalagayan ng mga health worker.

Batay aniya sa pinakahuling datos ng DOH noong Hunyo 20, may 3,122 na ang kabuuang bilang ng mga infected health worker habang 2,215 ang nakarekober, 33 ang nasawi, at 854 ang active case.

Babala pa ni Mendoza na noong Hunyo 1 ay naglabas na sila ng pahayag hinggil sa kanilang mga karaingan at nangangamba sila na maraming health worker ang magbibitiw sa kanilang trabaho dahil wala silang nakikitang kongkreto at komprehensibong hakbang mula sa DOH at mga awtoridad ng gobyerno para sa proteksyon at kaligtasan ng mga frontliner.

Leave A Reply

Your email address will not be published.