Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duque sinita si Acosta na ayaw pabakuna

0 183

Umapela si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kay Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta na magpabakuna na dahil kailangan nito ng proteksiyon laban sa COVID-19.

“Ako ay nananawagan kay PAO chief (Persida) Acosta dahil palagay ko, baka malapit na rin siyang maging senior citizen, eh dapat mabigyan siya ng karagdagang proteksyon sa pamamagitan ng bakuna,” pahayag ni Duque sa isang event kaugnay ng pagsisimula ng pagbakuna kontra COVID sa mga botika.

Una nang inamin ni Acosta sa isang panayam sa telebisyon na hindi siya nagpabakuna kontra COVID dahil sa kanyang edad at mga problema sa kalusugan. Hinihintay din umano niya ang protein-based vaccine.

Sinabi ni Duque na malaki ang posibilidad na malagay sa panganib ang kalusugan ni Acosta kung patuloy itong tatangging paturok laban sa virus.

Nauna na ring pinayuhan ni Justice Secretary Menardo Guevarra si Acosta na sumunod sa ipinatutupad na polisiya ng gobyerno para sa mga hindi bakunadong kawani.

Aniya, kailangang bakunado ang mga kawani na pumapasok sa mga opisina ng gobyerno para sa kaligtasan ng lahat. Ang hindi pa bakunado ay kailangan aniyang pa-swab test isang beses kada dalawang linggo kung pumapasok sa opisina. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.