Abante Tonite Interactive

Duterte ayaw mauwi sa int’l conflict ang Recto Bank issue

433

Nag-iingat at ayaw magkamali ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga ginagawang hakbang kaugnay sa insidente sa Recto Bank dahil ayaw nitong lumaki at mauwi sa international conflict ang banggaan ng bangka ng mga mangingisdang Pilipino at Chinese.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo kasunod na rin ng pa­tuloy na pamumuna ng mga kritiko sa tila malambot umanong pagtrato ng Pangulo sa sinapit ng 22 mangingisdang Pinoy mula sa mga Chinese.

Sinabi ni Panelo na kapag lumaki ang isyu ay marami ang maaapektuhan, lalo na ang may 320,000 na mga manggagawang Pinoy sa China.

“Ayaw niyang i-blow up into an international conflict. That’s precisely the reason why the President is treading cautiously. Ayaw niyang magkamali dito,” ani Panelo.

Ayon sa kalihim, mas mainam na hinta­yin muna ang resulta ng imbestigasyon bago umaksiyon dahil hindi makakatulong sa sitwasyon kapag nagpadalos-dalos ang gobyerno.

Kapwa nag-iimbestiga aniya ang Pilipinas at China sa naganap na insidente kaya hintayin kung ano ang magiging resulta nito kaysa magsisi o mamrublema sa bandang huli kapag nagkamali ng aksyon. (Aileen Taliping)