Duterte binasbasan si Lord

NANAIG ang unang napagkasunduang term-sharing agreement sa pagitan nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at kasalukuyang House Speaker Alan Peter Cayetano.
Inanunsyo ito matapos ang pagpupulong ng dalawang kampo kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacanang kagabi.
Ang impormasyon ay batay sa isang ayaw magpabanggit na mambabatas na kasama sa meeting.
Ayon naman kay Presidential Spokesman Harry Roque ang House Speaker ang mag-aanunsyo ng resulta ng pulong.
“It’s for the House leadership to announce,” ang reaksyon ni Roque.
Sinasabing magsisimula umano ang pag-upo ni Velasco bilang House Speaker sa October 14.
Matatandaan na nagkaroon ng girian sa Kamara matapos na ilang mambabatas ang nagpaabot ng suporta kay Cayetano para manatiling lider ng Kongreso.
Sa naging report ng Politiko, sinaad na nais ni Duterte na masunod ang term-sharing agreement sa pagitan ng dalawa.
Napag-alaman rin sa ulat na ilalagay umano si Cayetano sa gabinete bilang kalihim ng sinusulong na Department of Disaster Relief.
Matatandaan na noong 2019 ay nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng dalawang mambabatas para paghatian ang pamumuno sa House of Representative.
Si Cayetano ang mamumuno sa 18 Congress sa loob ng 15 buwan habang si Velasco ang uupo sa nalalabing 21 buwan. (Ray Mark Patriarca)