Abante Tonite Interactive

Duterte dedma sa NPA attack, peace talk tuloy

328

Balewala kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ­napaulat na pag-atake ng New People’s Army (NPA) basta huwag na lamang uulitin ito para ­matuloy ang usapang pangkapayapaan ng gobyerno at ­rebeldeng grupo.

“Whatever the reason is, pinagbigyan sila ni ­Presidente kaya huwag na lang nilang uulitin. Pinapabayaan na lang ni Presidente ‘yun. Tuloy pa rin ‘yung peace talks,” ayon kay Presidentiual Spokesman Salvador Panelo.

Ipinatupad ang tigil putukan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at NPA noong Disyembre 23 at matatapos ito alas-11:59 nang gabi sa ­Enero 7, 2020.

Habang pinapatupad ang tigil putukan, ­napaulat naman ang pag-atake ng mga pinaghihinalaang ­miyembro ng NPA sa mga sundalo at pulis sa Labo, ­Camarines Norte; Tubungan, Iloilo; at Quezon sa ­unang araw pa lang ng implementasyon nito.

Anim na sundalo ang nasawi at anim na iba pa ang sugatan sa pag-atake sa Camarines Norte; ­dalawang pulis ang sugatan sa Iloilo habang wala ­namang ­nasaktan sa panig ng mga tropa ng ­gobyerno na ­inatake sa lalawigan ng Quezon, ayon sa ulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson Marine Brig. Gen. Edgard Arevalo.

Samantala, inihayag muli ni Panelo na nais ng ­Pangulo na magkaroon sila ng one-on-one ­meeting ni CPP founder Jose Maria Sison at dito gagawin sa Pilipinas.

“Ang gusto ni Presidente, pumunta siya (Sison) dito sa Pilipinas, mag-usap sila, one-on-one. Kung ­hindi siya pupunta dito, ibig sabihin takot siya at ­hindi siya matapat sa kanyang mga salita,” sabi ni Panelo.

Sa kabila nito, inihayag din ng Palasyo na ­hindi sila tatalima sa anumang mga kondisyon na ilalatag ni Sison para sa pagpapatuloy ng usapang ­pangkapayapaan. (Juliet de Loza-Cudia)