Abante Tonite Interactive

Duterte: Hanggang 12 biyahe lang o sibak

By
7,570

Sinumang opisyal at empleyado ng gobyerno na bumiyahe sa abroad nang higit sa 12 beses ay agad na tatanggalin sa trabaho, ayon kay Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte.

Isiniwalat ito ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa 60th birthday celebration ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa Tagum City noong Biyernes ng gabi.

“For those who have traveled more than 12, you have to go. Hindi na ako bilib diyan sa most of the time nag-ibang bansa,” ayon sa Pangulo.

Binanggit pa ni Pangulong Duterte na nilagdaan niya ang isang Executive Order (EO) na nagbabawal sa mga opisyal ng Executive department na bumiyahe.

“I just signed an Executive Order banning travel. You let me know first and I will read, I need to know what you are going for,” paglalahad ng Pangulo.

Nabatid na kung bibiyahe ang isang opisyal ng gobyerno ay dapat na maipadala sa kanyang tanggapan ang itinerary ng mas maaga, gayundin ang layunin ng pagbiyahe.

“It’s part of the campaign against corruption. Not only done with malice but those who just want to spend money of government for not­hing,” ayon kay Duterte.

Aniya, marami umanong opisyal ng gobyerno ang bumibiyahe para lamang makapamasyal at isinasangkalan ang dadaluhan umanong convocation, convention o seminar.

Nalaman na noong Enero 3, nag-isyu ng memorandum si Executive Secretary Salvador Medialdea na nagsasaad ng mga guidelines sa mga foreign travel ng lahat ng opisyal ng gobyerno sa Executive department.

Matatandaan na ilang opisyal na ng pamahalaan ang sinibak ni Pangulong Duterte dahil sa napakaraming biyahe sa abroad, kabilang na si Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Marcial Amaro III, Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) Chief Terry Ridon, Dangerous Drugs Board head Dionisio Santiago, at Development Academy of the Philippines (DAP) President Elba Cruz.

Si Ridon ay nakapitong byahe sa abroad nang sibakin ito ni Pangulong Duterte, habang si PCOO Secretary Martin Andanar ay naka-10 byahe na sa abroad, hiwalay pa ang pagsama niya sa mga state visit ng Pangulo.