Abante Tonite Interactive

Duterte hindi dapat mag-resign — Bato

432

Hindi umano kailangang magbitiw sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte kahit na sumali sa karera sa pagka-House Spea­ker ang anak niyang si Davao Rep. Paulo ‘Pulong’ Duterte.

“Nasa kanya ‘yan kung tutuparin niya o hindi. Pero sa akin bakit ka magre-resign? Kailangan ka pa namin, kailangan ka pa ng bansa,” pahayag ni Dela Rosa sa isang forum sa Senado kahapon.

Giit pa ng senador, ang mga taga-oposis­yon lang naman ang gustong magbitiw ang Pangulo sa kanyang puwesto para mapalitan nila ito.

“Ang gustong mag-resign siguro siya ay ang opposition para sila naman ang kapalit. Kaya ganun ang gusto nila, you must be true to your words so that we must be true to our ambition,” sabi ni Dela Rosa.

Nauna nang iniha­yag ni Duterte na magre-resign siya sa pagka-Pangulo kapag sumali ang kanyang anak na si Pulong sa speakership race.

Noong Martes, inihayag ni Pulong na kinukonsidera niyang tumakbo sa pagka-Spea­ker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa darating na 18th Congress. ­(Dindo Mati­ning)