Duterte, iginawad ang ‘Most Business- Friendly LGU’ sa Antipolo mayor
Iginawad ni President Rodrigo Duterte ang pagkilala ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) sa Pamahalaang Lungsod ng Antipolo, sa pamumuno ni Mayor Andeng Ynares, bilang ‘Most Business-Friendly LGU’ sa katatapos lamang na 45th Philippine Business Conference & Expo kamakailan sa Fiesta Pavilion, Manila Hotel. Panalo ang Antipolo sa City Category Level 2 dahil sa best practices at innovation nito pagdating sa pamamahala at pagsuporta sa local business community.
“Pinasasalamatan ko po si Pangulong Rodrigo Duterte gayundin ang PCCI sa paggawad ng parangal sa ating lungsod. Isang malaking karangalan na mapabilang sa mga bayang kinikilala bilang katuwang ng business community at nagsusulong ng pag-unlad ng ekonomiya. Walang tigil po naming isusulong ang mga programang mag-aangat sa antas ng kabuhayan ng mga mamamayan.
Naniniwala po kami na malaki man o maliit na negosyo, beterano man o baguhan, ang bawat isa ay may mahalagang papel na ginagampanan sa ating lipunan. Buong-puso ko rin pong pinasasalamatan ang bawat kawani, ahensya, at sektor na nagsama-sama at nagtulong-tulong para makamit natin ang karangalang ito,” sabi ni Mayor Ynares.
Kabilang sa mga nakiisa at nagbahagi ng mensahe ng suporta sa naturang expo sina Pangulong Duterte, Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, at PCCI President Alegria Limjoco.
Kasama sa best practices at inobasyon ng Antipolo LGU ang mas madaling business registration at renewal process sa tulong ng programang Business One-Stop Shop (BOSS) kung saan all-in-one na ang transaksyon ng mga investor at residenteng nagnanais magnegosyo sa lungsod.