Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duterte inapura sa paid pandemic leave

0 475

Nanawagan ang isang mambabatas kay Pangulong Rodrigo Duterte na gawing certified urgent ang panukalang pandemic leave sa ilalim ng House Bill No. 7909 para matulungan ang mga empleyado na apektado ng lockdown.

Ayon kay House Assistant Minority Leader at Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, maraming empleyado ang nahihirapang pumasok sa kanilang mga trabaho dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ).

Marami ang walang masakyan at nahuhuli sa pagpasok dahil sa pagsisikip ng daloy ng trapiko sanhi ng mga checkpoint kaya nababawasan ang kanilang arawang kinikita.

“Worst, they are either required to work without hazard pay or be placed on unpaid forced leave or floating status,” ani Brosas.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 14 araw na paid leave ang mga manggagawa.

Ang mga floating na empleyado o mga empleyado na hindi tinanggal pero hindi pinapapasok kaya walang suweldong natatanggap ay makatatanggap naman ng 80% ng kanilang arawang sahod ng hanggang 60 araw.

Ang panukala na akda ng Makabayan bloc ay inaprubahan na ng House committee on labor and employment noong nakaraang taon. Nakabinbin ito sa House committee on appropriations.

Giit naman ni Brosas na bilisan ng Kamara ang pagpapatibay sa naturang panukala dahil nahaharap ang mga manggagawang Pilipino sa panganib ng patuloy na pagsirit ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa. (Billy Begas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.