Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duterte inikot Digos City sa motorsiklo

0 95

Nilibot ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang lugar sa Digos City, Davao del Sur sakay ng kanyang motorsiklo nitong Sabado.

Ilang lugar sa Digos ang dinaanan ng pangulo gaya ng Toril at bayan ng Santa Cruz kung saan nakunan ng video ng ilang netizen ang pagdaan nito kasama ang kanyang mga security aide na miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Pasado alas-tres ng hapon nitong Sabado nang makita ang mistula umanong motorcade ng mga rider ang pagdaan ng pangulo sa lugar.

Ayon kay Senador Bong Go na palaging kasama ng pangulo, nami-miss aniya nito ang lugar kaya nag-motorsiklo ito.

“Ang sabi niya, gusto niya daw magmotorsiklo. Pa-retire na siya, hindi na niya alam kung anong gagawin sa retirement,” ani Go.

Isa sa hilig ni Pangulong Duterte ang pagmomotorsiklo kung saan naaksidente na ito at nagkaroon ng pinsala sa kanyang likod.

Matatandaang maging noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic ay hindi rin napigilan ng pangulo ang magmotorsiklo sa PSG Compound sakay ng kanyang 650cc dirt bike at naglabas pa ng mga kuhang larawan noon ang Malacañang. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.