Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duterte ipakukulong kurakot sa emergency ayuda

0 230

Nagbabala ang Malacañang sa mga lokal na opisyal na huwag pakialaman ang emergency assistance para sa mga naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at apat na mga lalawigan.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na dapat natuto na ang mga barangay official sa nangyari sa Special Amelioration Program (SAP) kung saan maraming barangay official ang nakasuhan.

Ipakukulong aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mapapatunayang pinag-interesan ang ayuda na inilaan para sa mga naapektuhan ng ECQ.

“Lesson learned po kung kayo ay mga opisyales ng barangay. Ipakukulong po kayo ni Presidente kapag pati ba naman ang ayuda ay pagsasamantalahan ninyo. Madami na pong nadisiplina diyan,” ani Roque.

Malinaw aniya ang mensahe ng Pangulo nitong Lunes sa kanyang Talk to the People na huwag pakialaman ang tulong para sa mga tao sa panahon ng pandemya.

“Ang mensahe po ni Presidente: huwag na huwag ninyong gagalawin ang ayuda sa panahon po ng lockdown at pandemya,” dagdag ni Roque.

Ang emergency assistance ay nakapaloob sa P29 bilyong na inaprubahan ng pangulo para ipamahagi bilang tulong sa mga mamamayang naapektuhan ng isang linggong ECQ. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.