Abante Tonite Interactive

Duterte: Joma Sison hambog!

By
350

Muli na namang binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chairman Jose Maria Sison.

Sa kanyang pagharap sa Fili­pino community sa Papua New Guinea, sinabi ng Pangulo na kaya ayaw na niyang makipag-usap kay Sison ay dahil sa pagi­ging hambog nito.

Hindi aniya siya natatakot kay Sison dahil puro yabang lang ito pero kung tutuusin ay wala namang ibubuga.

“Itong komunistang si Maria Sison, hambugero. Kaya napeste ako sabi ko ayaw ko nang makipag-usap sa iyo. Ang tapang-tapang magsalita wala namang eroplano, ni saranggola wala,” anang Pangulo.

Kung gugustuhin lamang ay kayang-kaya niyang ipabomba ang mga kuta ng mga galamay ni Sison subalit naawa aniya siya sa mga madadamay na tao.

“Hindi ko nga pinabomba kayo kasi naaawa ako diyan sa mga madamay. You know I have not used my planes against them. Sabi ko sa mga sundalo huwag kasi madamay yung– eh bomba eh,” dagdag pa ng Pangulo.

Sinabi pa ng Presidente na hangga’t hindi binabawasan ni Sison ang kayabangan at manumbalik sa tamang kaisipan ay mananatili ang sitwasyon sa pagitan ng gobyerno at kilusang komunista.

“Until you come to your senses, you reduce your size in the proper dimension. Huwag kang masyadong hambog,” wika pa ng Pangulo.