Abante Tonite Interactive

Duterte: Mag-suicide kaya ang Amerika para sa atin?

455

Duda si Pangulong Rodrigo Duterte na sasaklolo at ipagtatanggol ng Amerika ang Pilipinas sakaling nilabanan ng bansa ang China.

Sa harap na rin ito ng pang-uudyok ng mga kritiko ng administrasyon na igiit ng gobyerno ang karapatan ng Pilipinas sa mga inaangking teritoryo sa West Philippine Sea.

“Gusto nila na I will confront China. ‘Pag ginawa ko ‘yan, it will be a massacre. Diyan pa lang. Papun — paalis ka pa lang sa… Ang eroplano nila can reach Manila in 14 mi­nutes. They can bomb us to the hea­vens. Wala tayong pang kontra niyan mga missile,” sabi ng Pangulo nang magsalita sa campaign rally ng PDP-Laban sa Batangas City noong Miyerkoles, Abril 17.

Sinabi ng Pangulo na darating ang oras na sasabihan niya ang China na dapat mag-usap sila ng salubungan o ‘halfway’.

Hindi aniya kailangang magpadalos-dalos dahil hindi ito makakatulong sa problema.

Sinabi pa ng Pangulo na nag-warning lang siya kaugnay ng nauna niyang paha­yag na huwag palibutan ng China ang Pag-asa Island dahil may mga sundalo ang gobyerno sa lugar at kapag may nangyari at mayroong namatay sa mga ito ay tiyak na magkakaroon ng gulo.

“Iyong Pag-asa Islands, sinabi ko, huwag ninyong i-surround kasi may mga sundalo ako diyan. ‘Pag nagkamali ‘yang p**… nag-warning lang ako. Hindi ko tinatakot ang China. But it could precipitate trouble there. ‘Pag namatayan ako ng sundalo maski isa, ah gulo na ‘yan,” pahayag ng Pangulo.

“Pero ngayon, magsabi ka, “mag-fight ako sa China,” okay, who will come? Who will? Sino? Magbigay ka ng limang magtulong sa atin. America? Mag-suicide kaya ang Amerika ng nuclear war para sa atin? Basig pagka nag-nuclear war, ubos man tayong lahat sa mundong ito,” dagdag pa ni Pangulong Duterte.

Binigyang-diin pa ng Pangulo kung nakahanda ba ang Amerika sakaling sumiklab ang ikatlong digmaang pandaigdigan para ipagtanggol lamang ang Pilipinas laban sa China.

“May standoff noon. ‘Yung barko ng China, dumating — nagpadala tayo. Ang America, sa isa nagpaareglo para walang gulo. Sabi niya mag-withdraw.
Pumayag ang dalawang… tayo nag-withdraw. Ang China, hindi umalis. Iyan ang nangyari diyan. Mag-research ka,” anang Pangulo. (Aileen Taliping)