Abante Tonite Interactive

Duterte magtatalaga ng police attaché para sa mga OFW

374

By Aileen Taliping

Para masiguro ang kaligtasan at agad maalalayan ang mga overseas Filipino worker (OFW) na nanga­ngailangan ng tulong habang nasa ibang bansa, magtatalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga police attaché sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas.

Sa kanyang pagharap sa mga OFW sa Camp Aguinaldo, Quezon City Biyernes nang gabi, sinabi ng Pa­ngulo na mahalagang matiyak ang kaligtasan ng mga OFW kaya magpapadala siya ng mga police attaché sa ibang bansa.

Mayroon aniyang Global Police Community Relations Program ang gobyerno at gagamitin niya ito para makapagtalaga ng mga police attaché sa mga bansang mayroong OFW.

“We have our Global Police Community Relations Program—isakay ko na lang ‘yun doon ‘yung mga pulis na ma-assign ko for every country. May military tayo. Dagdagan ko, police attaché abroad—about the government’s current security policies and programs, but also to report incidents and crimes to Philippine authorities kaagad,” anang Pangulo.

Magiging papel aniya ng mga police attaché ay alalayan kaagad ang mga OFW na mangangailangan ng tulong, lalo na kapag nakakaranas ng ligal na problema sa kanilang amo, o kaya ay may suliranin ang pamilya na naiwan sa Pilipinas.

“The police attaché will connect you to—dito sa Pilipinas kung ano ang problema. And they will be trained to help you in legal matters of how to do in the meantime that you are not here to solve the problem,” dagdag ng Pangulo.

Sinabi ni Pangulong Duterte na masakit sa loob niya na walang nagawa para sa mga OFW na nakaranas ng kalupitan at nakasilid na lang sa kabaong na uuwi sa bansa.