Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duterte nagbunga `friendship’ sa China – Roque

0 295

Nagpasalamat ang Malacañang sa gobyerno ng China dahil tiniyak nito na kanilang prayoridad ang Pilipinas sa bibigyan ng bakuna kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) oras na madiskubre nila ito.

Kasabay nito, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang pangako ng China ay bunga lamang ng independent foreign policy ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ay kaibigan natin lahat at wala tayong kaaway.

Inihayag ni Roque ang pasasalamat matapos sabihin ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Wang Wenbim na bibigyan nila ng prayoridad ang Pilipinas oras na makagawa ang China ng bakuna sa COVID-19.

“Nagpapasalamat kami sa gobyerno ng Tsina dahil isinapubliko nila ang kanilang posisyon na bilang malapit na kaibigan ng China, ang Pilipinas ay makikinabang sa vaccine na dini-develop nila,” ayon kay Roque sa press conference na ginanap sa Quezon City Hall.

Matatandaang sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 27, sinabi ni Pangulong Duterte na nakiusap siya kay Chinese President Xi Jinping na bigyan ng bakuna sa COVID-19 ang Pilipinas.

“Tayo naman ay nakikipagkaibigan sa lahat. At aasahan natin na ang ibang kaibigan natin sa ibang parte ng daigdig ay isi-share din sa atin ang kanilang mga vaccine kung meron din sila,” sabi ni Roque.

“`Yan ay fruits of an independent foreign policy, where we are friends to all and enemies to no one,” aniya pa. (Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.