Abante Tonite Interactive

Duterte nagmalaki: Bakit mataas pa rin sa surveys?

By
11

Walang epekto sa mataas na ratings ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga basurang isyu na ipinupukol sa kanya gaya ng extra judicial killings na may kinalaman sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga.

Sa kanyang talumpati sa 6th Mandatory Continuing Legal Education (MCLE) Accredited National Convention of Public Attorneys sa Manila Hotel, sinabi ng Pangulo na totoo man o hindi ang mga bintang laban sa kanya ay hindi nagbago ang tiwala at suporta ng publiko sa kanyang administrasyon dahil bitbit nito ang isyung malapit sa puso ng mga Pilipino.

“Ito tanungin ko sa inyo, why of all the basura, even if true or not true hit against me, bakit pagdating ng survey ang acceptance ko mataas pa rin? Why? Because I carry the issues that are closest to the heart of the Filipino. Ang droga talaga ngayon grabe,” ang pahayag ni Pangulong Duterte.

Idiniin ng Presidente na malala ang problema sa ilegal na droga sa bansa kaya marami ang namamatay hindi lamang mga kriminal kundi pati na mga alagad ng batas.

Ang tanging pagkakamali lamang aniya ng punong ehekutibo ay ang pahayag nito na malulutas ang problema sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Hindi inakala ni Pangulong Duterte na sangkot din sa ilegal drug trade ang mga police generals at mga ordinaryong pulis o ‘ninja cops’ na nagre-recycle ng ilegal na droga.

Ipinahayag din ng Pangulo ang pagkadismaya sa Bureau of Customs dahil sa pag-aakalang ang taong makatutulong sa kanya ay nasangkot din sa isyu ng droga.

Sa kabila nito, tiniyak ng punong ehekutibo na hindi titigil ang gobyerno sa kampanya hangga’t hindi nauubos ang lahat ng mga sangkot sa droga sa bansa.