Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duterte patutugain 9 pulis sa ‘RUBOUT’

0 414

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na makausap ang siyam na pulis na sangkot sa sinasabing `misencounter’ sa Jolo, Sulu na nagresulta sa pagkamatay ng apat na miyembro ng Philippine Army.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na inatasan ng Pangulo si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año para iharap sa kanya ang siyam na pulis na nakapatay sa apat na sundalo.

Nalungkot at nanlumo aniya si Pangulong Duterte sa sinapit ng apat na sundalo dahil hindi dapat na nangyari ang engkuwentro.

“Lungkot na lungkot siya. Ang ginamit nga niyang salita ay siya ay nanlambot, extremely sad at gusto niya pumunta mismo sa lugar,” ani Roque.

Wala namang ibinigay na detalye ang kalihim kung kailan at saan gagawin ang pakikipagkita ng siyam na miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Pangulo.

Sinabi pa aniya ni Pangulong Duterte na hindi dapat nagpapatayan ang magkapareho ng idelohiya at sana ay hindi na maulit ang ganitong engkuwentro sa ilalim ng kanyang termino.

“Ang pangako ng Presidente gagawa siya ng hakbang para hindj na maulit ang ganitong misencounter, katarungan para sa mga namatay at reporma para hindi na maulit ito sa ilalim ng kanyang termino,” dagdag ni Roque.

Dadalhin aniya sa Camp Crame ang siyam na pulis at haharap kay Pangulong Duterte sa mga darating na araw.

Una nang kinilala ang mga pulis na responsable sa pagkamatay ng apat na sundalo na sina Staff Sergeant Almudzrin Hadjaruddin, Patrolman Alkalaj Mandangan, Patrolman Rajiv Putalan, Senior Master Sergeant Abdelzhimar Padjiri, Master Sergeant Hanie Baddiri, Staff Sergeant Iskandar Susulan, Staff Sergeant Ernisar Sappal, Corporal Sulki Andaki, at Patrolman Moh Nur Pasani. (Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.