Abante Tonite Interactive

Duterte-Robredo meeting pinaplantsa na

224

Padadalhan ng sulat ng Malacañang si Vice President Leni Robredo para makapag-usap sila ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagiging drug czar nito.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ilang araw matapos tanggapin ni Robredo ang hamon ni Pangulong Duterte na pangunahan ang paglutas sa problema ng iligal na droga sa bansa.

Sinabi ni Panelo na susulatan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang Vice President para makapag-usap sila ni Pangulong Duterte kaugnay sa magiging lawak ng trabaho nito bilang drug czar.

“Most likely, papadalhan siya ng letter ni executive secretary para makapag-meet sila ni President, I think it should be one-on-one,” ani Panelo.

Posible rin aniyang sa susunod na Cabinet meeting sa Disyembre ay makasama na si Robredo sa pulong sa Malacañang.

Sinabi naman ni Robredo na dadalo lamang siya sa Cabinet meeting sa Malacañang kapag inimbitahan siyang dumalo.

Binanggit ng Vice President na noong 2016 ay pinagsabihan siyang huwag nang dumalo sa pulong ng gabinete kaya hindi na siya sumipot sa Malacañang. (Aileen Taliping)