Abante Tonite Interactive

Duterte, Robredo sumirit ang rating sa Pulse survey

581

Ikinagalak ng Malacañang ang mataas na markang nakuha ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2019 Fourth Quarter Survey ng Pulse Asia kung saan nakakuha ito ng 87% approval rating, mas mataas kumpara sa 78% noong Setyembre.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar, sa loob lamang ng tatlong buwan ay umarangkada pataas ang marka ng Pangulo na patunay ng commitment ng administrasyon na pagsilbihan ang sambayanan.

“With an almost double figure increase in just a short span of time, this is a testament to the Duterte administration’s efficiency and commitment towards serving the Filipinos,” ani Andanar.

Nakatulong aniya sa mataas na approval rating ng Pangulo ang katatapos na 30th Southeast Asian (SEA) Games, ang patuloy na kampanya kontra iligal na droga, magandang ekonomiya, mga Build, Build, Build program at socio-economic reforms.

Inihayag naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pinapakita lamang ng resulta ng survey na nagkakaisa ang mga Pilipino sa kanilang pagsuporta kay Pangulong Duterte at sa mga programa ng administrasyon para umangat ang kanilang pamumuhay.

Samantala, sumirit din ang approval rating ni Vice President Leni Robredo na nakakuha ng 58% sa survey o walong porsiyento ang itinaas mula sa rating nito noong Setyembre.

Tumaas din ang trust rating kay Robredo ng pitong porsiyento matapos makakuha ng 53% kumpara sa 46% noong Setyembre. (Aileen Tali­ping)