Abante Tonite Interactive

Duterte sa Kongreso: National Land Use Act ipasa na

0 132

Posibleng maglabas muna ng isang executive order si Pangulong Rodrigo Duterte habang hindi pa naipapasa ng Kongreso ang panukalang batas hinggil sa National Land Use Act.

Inihayag ito ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos ang cabinet meeting noong Lunes nang gabi kung saan binigyang-diin aniya ng Pangulo na importanteng maipasa na sa Kongreso ang National Land Use Act.

Una nang binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na mahalaga ang nasabing batas para mahikayat ang mga investor.

Bukod sa mga investor, magsisilbi rin aniyang gabay ang batas para sa pagbabalangkas ng mga lokal na pamahalaan ng kanilang mga development plan.
Matagal nang nakatengga sa Kongreso ang nasabing panukala.

“The President stressed the importance of the passage of the National Land Use Act,” sabi ni Panelo kung saan binanggit umano ito ng Pangulo sa kanyang pulong sa mga miyembro ng gabinete noong Lunes nang gabi. (Prince Golez)