Abante Tonite Interactive

Duterte sa mga LGU: ASF outbreak kontrolin

235

Kinalampag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga local go­vernment unit (LGU) para mahigpit na ipatupad ang National Zo­ning and Movement Plan ng Department of Agriculture upang mapigilan ang pagkalat ng African swine fever (ASF) sa bansa.

Kasunod na rin ito ng nakarating na ulat sa Pangulo na umabot na sa Mindanao ang sakit na umaatake sa mga alagang baboy.

Batay sa Administrative Order No. 22 na pinirmahan ni Pangulong Duterte noong Pebrero 5, 2020, ina­atasan nito lahat ng ahensiya ng gobyerno at mga lokal na opisyal na ipatupad ang zoning plan sa buong bansa.

“The DA, DTI and DILG are hereby directed to monitor compliance with this order and ensure strict observance by all concerned government agencies, offices, instrumentalities, as well as local government units,” nakasaad sa AO.

Ayon pa sa AO 22, ang ASF ay matinding virus na mabilis kumalat sa mga alagang baboy, at bagama’t walang epekto ito sa tao, wala pang natutuklasang gamot para rito.

Nabatid na mahigit 20 mil­yong mga alagang baboy ang naapek­tuhan na ng ASF sa Asya simula noong 2018 na nagdulot ng ma­laking pagkalugi sa hog industry sa mga apektadong bansa kabilang na ang Pilipinas.

Ang direktiba ni Pangulong Duterte ay epektibo kaaagad para mapigilan ang mas lalo pang pagkalat ng ASF sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Binigyang-diin ng Malacañang na kailangang magpatupad ng re­gulasyon ang mga LGU sa meat inspection, meat transport at iba pang mga hakbang para matiyak ang kaligtasan ng publiko laban sa ASF. (Aileen Taliping)