Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duterte staff todas sa pasaway na driver

0 690

Nasawi ang isang staff member ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang salpukin ang minamaneho niyang motorsiklo ng isang van sa Brgy. Doña Imelda, Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Batay sa ulat ng pulisya, ang biktima ay nakilalang si Pelagio Regoyla Jr. Diosdado, 44, Presidential Staff Officer III at residente ng No. 531 F Legaspi St., Maybunga, Pasig City.

Ang suspek ay nakilalang si Benedict Bautista, 39, driver, at naninirahan sa Marilao, Bulacan.

Sa ulat ng QCPD Traffic Sector 4, bandang alas-11:30 ng gabi naganap ang aksidente sa intersection ng G. Araneta Avenue at Aurora Blvd. sa nasabing barangay.

SM food to go Banner Ad

Sakay umano ang biktima ng Honda XRM nang biglang sumulpot ang minamanehong Rebuilt Isuzu Insulated Van ng suspek pakanluran ng Aurora Blvd.

Sa ocular inspection ng awtoridad, nadiskubreng bawal ang left turn sa lugar ng insidente pero kumaliwa pa rin umano si Bautista dahilan upang masalpok nito ang harapan ng motor ni Diosdado kaya tumilapon ang huli at bumagsak sa semento.

Naisugod pa sa Philippine Orthopedic Center ang biktima subalit pumanaw din ito sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa ulo.

Tumakas umano ang suspek pero nakorner din ito ng awtoridad at nakapiit na sa QCPD Traffic Sector 4 habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.