Abante Tonite Interactive

Duterte tatapusin lahat ng proyekto bago umalis sa Palasyo

420

Nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang maiiwanang mga proyekto pagkatapos ng kanyang termino.

Dahil dito, inatasan ng Pangulo ang mga miyembro ng kanyang gabinete na huwag pumasok sa mga proyektong hindi matatapos sa loob ng dalawang taon.

Sa kanyang pagbi­sita sa Pigcawayan, Cotabato noong Biyernes, sinabi ng Pangulo na gusto niyang “calibrated” lahat ang mga proyekto ng gobyerno para pag-alis niya pagkatapos ng kanyang termino ay malinis lahat at walang iiwanan sa sususod na administrasyon.

“Sabi ko sa lahat ng secretary ng mga departamento, ‘Do not go into projects which you cannot finish within the two-year time left for me in office’,” anang Pangulo.

Ginawang halimbawa ng Pangulo ang mga naiwanang proyektong pang-agrikultura ng nakalipas na admi­nistrasyon sa Cotabato kung saan nakatiwang­wang ang mga biniling kagamitan at hindi napakinabangan ng mga magsasaka.

Nakarating sa kaa­laman ng Pangulo na kinakalawang ang mga biniling traktora at iba pang kagamitan sa Cotabato dahil hindi ito napakinabangan ng mga magsasaka at kung nagamit man ay panandalian lamang dahil nasira agad ang mga ito.

Dahil dito, binalaan ni Pangulong Duterte ang mga opisyal ng gobyerno na huwang pumasok sa korapsyon dahil sisipain niya ang mga ito.

Kasabay nito, inatasan ng Pangulo si Agriculture Secretary William Dar na bumili ng mga kagamitan na kailangan ng mga magsasaka sa Cotabato para matulungan ang mga ito sa kanilang pagsasaka. (Aileen Taliping)