Abante Tonite Interactive

Duterte tinabla si Calida sa dagdag ‘power’

By
0 238

Ibinalik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso ang enrolled bill na naglalayong palakasin pa ang kapangyarihan at mga benepisyong tinatamasa ng tanggapan na pinamumunuan ni Solicitor Gene­ral Jose Calida.

Sa kanyang veto message na ipinadala sa Kongreso noong Marso 7 pero kahapon lang inilabas, sinabi ng Pangulo na bagama’t sinusuportahan niya ang pagpapalakas sa Office of the Solicitor General (OSG) ay kailangan din ikonsidera ang magiging epekto nito sa burukrasya.

Sa kanya umanong pagsusuri sa enrolled bill, posibleng maungusan ng mga empleyado ng OSG ang ibang mga kawani ng gobyerno na magiging dahilan para madiskaril ang pamantayan sa kompensasyon na tinatanggap ng mga manggagawa sa gobyerno.

Sinabi pa ng Pangulo na ang pagdaragdag ng benepisyo para sa mga empleyado ng OSG ay posibleng magdulot ng pagkakaiba at hindi pantay na benepisyo sa iba pang lingkod bayan.

Nanawagan ang Pa­ngulo sa Kongreso na mu­ling pag-aralan ang panukala at magsumite ng bagong bersiyon na magpapalakas sa OSG pero hindi mababalewala ang prinsipyo ng “equal pay for work of equal value.”