Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Duterte-Trump deal kay Pemberton lumutang

0 102

Posibleng napag-usapan umano nina Pangulong Rodrigo Duterte at US President Donald Trump ang pagkakaloob ng absolute pardon kay Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Inilutang ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque nang matanong sa kanyang virtual presser nitong Huwebes hinggil sa kaso ni Pemberton.

Binanggit ito ni Roque nang tanungin sa kanya kung posibleng napag-usapan ba ang kaso ni Pemberton sa phone conversation nina Pangulong Duterte at US Ambassador Sung Kim noong Lunes.

“Posible po at ang tingin ko hindi lang sa pagpupulong iyan ni Presidente sa dating Ambahador ng Amerika kung hindi iyong kaniyang telephone conversation with President (Donald) Trump,” sabi ni Roque.

Subalit hindi nito binanggit kung kailan nangyari ang sinasabi niyang naging phone conversation nina Pangulong Duterte at Trump.

Inihayag pa ni Roque na wala siyang alam sa mga detalye ng phone conversation at hiniling na lamang sa publiko na magtiwala sa “wisdom” ng Pangulo.

“Tingin ko po, consistent pa rin kaming dalawa ni Presidente na kinakailangan kaibigan ang lahat, walang kalaban na kahit sino man,” sabi pa ni Roque.

Una na ring sinabi ni Roque na posibleng ang absolute pardon kay Pemberton ay maaaring “mayroong mas mataas o mas importanteng national interest na kinakailangang pangalagaan ng Presidente”. (PNA)

Leave A Reply

Your email address will not be published.