Abante Tonite Interactive

Duterte umapela sa TV, pananakot ni Persida Acosta sa bakuna binura

224

Nanawagan muli si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak para makaiwas sa sakit na tigdas.

Kasunod na rin ito ng idineklarang tigdas outbreak ng Department of Health (DOH) sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.

Sa kanyang panawagan sa telebisyon, sinabi ng Pangulo na dumarami ang dinadapuan ng tigdas na karamihan ay mga bata.

Hinikayat ni Pangulong Duterte ang mga magulang na huwag matakot sa bakuna dahil ito lamang ang paraan para makaiwas sa peligrong dala ng tigdas.

“Mga kababayan, dumadami ang kaso ng tigdas, at ang kumplikasyon nito ay mamatay ka. Sa mga anak natin bakuna lamang ang tanging paraan makaiwas sa sakit na ito,” pahayag ng Pangulo kahapon.

Matatandaang natakot ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak dahil sa kontro­bersiyang dulot ng Dengvaxia matapos mamatay ang ilang mga bata na nabakunahan ng naturang anti-dengue vaccine.

Pinangunahan ni Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta ang pagsasampa ng kaso laban sa mga responsable sa pagkamatay diumano ng mga bata sanhi ng Dengvaxia.

Nang magdeklara ng tigdas outbreak ang DOH ay binatikos ng mga kritiko si Acosta dahil sa takot na dinulot umano nito sa immunization program ng gobyerno.

Nilinaw naman ng DOH na maraming uri ng bakunang pangkontra sa iba’t ibang sakit at hindi lamang ang Dengvaxia kaya dapat na alisin ang duda at takot sa mga bakunang ibinibigay ng gobyerno para sa kaligtasan ng mga bata.